Agos

Paulit-ulit mo man akong saktan,
Tila paulit-ulit rin akong nahuhulog at nadadala sa agos ng pag-ibig
Walang kapaguran
Walang hangganan;

Parang mga talon o karagatan,
Patuloy na dumadaloy
Patuloy na lumalalim;

Animo’y pwersa ng kalikasan,
Tinutulak ako papalayo
Ngunit hinihila rin ako papalapit
Araw-araw ibinubuhos ang pagsinta;

Kawangis ng ilog o batis,
Inaanod ang pait
Inaanod ang sakit
Walang pagod
Walang hanggan;

Hiling ko sana’y hindi manuyot ang bukal para sa aking irog
Hindi sana maubos ang pagtangi
Sapagkat kahit ang pinakamalalim na talon o karagatan
Kung wari’y puro sakit at pait ang nilalaman
Ay malalason rin at mamamatay,
Gaano man ito kalalim
Gaano man ito kaganda

Advertisements
Agos

Buhay at Kamatayan

Alam mo ‘yung pagmamahal
Na pakiramdam mo said na said ka na
Pero kapag nariyan na ang sinisinta
Tila bigla kang nagkakaroon ng lakas na muling ibigin siya

Alam mo ‘yung pag-ibig
Na tipong nakakalasing,
Nakakalunod, nakamamatay
Ani mo’y isang malubhang karamdaman
Na walang ibang lunas kundi ang haplos niya

Para kang naaadik sa isang halik lang niya
Nakakalimutan ang sakit na hatid mismo ng
nag-uumapaw mong pag-ibig sa kanya
Naglalaho ang pagod ng walang-sawa
mong pagsinta

Marahil nga ako lang ang nakakaalam
Marahil ako lang rin ang nakakaramdam
Marahil ipinanganak ako upang ibigin siya
Marahil hindi ito ang kaso para sa kanya

Alam mo ‘yung pagsinta na ang sakit sakit,
parang mamamatay ka na?
Oo? Hindi? Ewan?
Kasi para sa’kin, ito ‘yung pag-ibig
Na unti-unti akong pinapatay
Pero nananatiling dahilan para ako ay mabuhay.

Buhay at Kamatayan